Martes, Mayo 29, 2012

ANG ISTORYA NI LOLO BARBERS: ISANG ALAMAT



Si Lolo Barbers ay ipinanganak noong panahon ng mga hapon. O panahon yata ng mga Amerikano yon. Basta hindi masyadong sigurado dahil maging siya ay hindi rin tiyak kung anong taon nga ba siya ipinanganak. Sanhi rin siguro ng katandaan o baka sinadya rin nya na kalimutan na kung ilang taon na nga ba talaga siya.

Ipinanganak si Lolo Barbers sa Calamba, Laguna, alas-dose ng hatinggabi sa loob ng isang kubol sa tuktok ng isang bundok. Normal delivery siya pero 10 pounds sya nang lumabas. Nasa loob pa lang kasi ng tiyan ng kanyang inang si Barbara ay lumalaklak na siya ng gatas. Kung paano nangyari iyon e hindi ko rin alam, kwento lang sa kin iyon ng kumadronang nagpaanak sa kanya, si Aling Chona na pumanaw na matapos tumalon sa 5th floor ng isang mental hospital dahil nalunok daw nya ang bato ni Darna.

Pagkalabas pa lang ni Baby Barbers ay alam na ng kanyang amang si Bersologo na espesyal ito. Imbes kasi na umuha, kumanta ito ng kanta ni Ruben Tagalog. Luma na kasi kaya hindi na rin matandaan kung anong kanta yon. “Kelangan na espesyal din ang kanyang pangalan”, sabi ng tatay nyang si Bersologo. “Ikaw na ang magdesisyon kung ano”, sabi ng nanay niyang si Barbara. “Barbers!”, sabi ni Bersologo, “para hango sa pangalan nating dalawa!”. Ayan, alam mo na kung saan galing ang pangalan ni Lolo Barbers.

May mga kwento ang mga nakatatandang kapitbahay ni Lolo Barbers na noong sanggol pa lamang ito ay may kakaibang katangian na. Isang gabi raw kasi, dumalaw ang isang tiktik (search mo sa Google kung hindi mo alam yung tiktik ha, hindi yung tabloid). Dumapo ito sa bubong na pawid ng bahay nina Barbers at inilabas ang pagkahaba-haba nitong dila, pababa sa papag na kinahihigan nina Barbers at ng kanyang natutulog na ina. Nanlaki ang mata ng tiktik dahil hiniklat ni Baby Barbers ang dila nya at ginawang baging, nag-ala Tarzan ito, naglambitin paikot ng kanilang kwarto. At nang magsawa, binitawan ni Baby Barbers ang dila ng tiktik na dali-daling tumalilis at hindi na bumalik pa.

Noong si Barbers ay 10 taong gulang na, nahilig itong mamapak ng asin. Hindi pa kasi uso ang junk foods noon kaya wala pang pwedeng ngatain na chichirya. Palagi syang may dalang asin sa kanyang bulsa kahit saan sya magpunta. Isang araw, nalibang sa paglalaro si Barbers kaya ginabi na ito ng uwi. Ayon sa kwento ng mga nakakakilala kay Lolo Barbers, habang naglalakad daw ito noon pauwi ay may nakitang kalahating katawang pang-ibaba ng isang babae. Hindi pa rin matiyak kung paano nalaman ni Barbers na babae nga ang may-ari ng katawan, gayong hindi naman nakasuot ng palda ang kalahating katawan ng babae. Anyway, ayon din sa kwento, nang lapitan ni Barbers ang kalahating katawan ay may narinig siyang pagaspas na mula sa animo’y higanteng paniki: isang manananggal! Sinugod nito si Barbers na noon ay ngumangata ng asin na biglang nagsalita, “sa ‘yo ba tong katawan, ate? Wala akong ginawa dito promise!”, sabay tapik sa lamanloob ng kalahating katawan. Puro asin ang kamay ni Barbers kaya may ilang pirasong nalaglag sa lamanloob ng katawang pang ibaba ng manananggal. Bigla na lang humiyaw ang manananggal at nag crash landing sa puno ng mangga.

Natuklasan ni Barbers na asin pala ang weakness nito, kaya naman dumukot pa sya ng maraming asin sa kanyang bulsa at ibinudbod sa pang ibabang katawan ng manananggal na lalong namilipit sa sakit. Maya-maya pa, hindi na gumalaw ang manananggal. Dali-daling umuwi ang batang Barbers at pagpasok sa kanilang kubol, sumigaw ito ng “Tatang, nakapatay ako ng manananggal!”. Sumagot naman ang tatay ni Barbers, “Hoy, ilong mo may asin!”, hindi naunawaan ni Barbers ang ibig sabihin ng kanyang ama. Ang hindi nya alam, nawala sa kanyang isip na habang nananakbo sya pauwi ay nangulangot sya. At dahil puno ng asin ang kanyang kamay, merong naiwan sa kanyang ilong. Pero dahil hindi nga na-gets ni Barbers ang ibig sabihin ng kanyang ama, napag isip isip nya na kapag may isang bagay kang ayaw paniwalaan, ang dapat mong sabihin, “Ilong mo may asin!”.

----------------------------------------------------------
ABANGAN ANG IKALAWANG YUGTO NG ISTORYA NI LOLO BARBERS


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento