Biyernes, Hunyo 1, 2012

ANG ISTORYA NI LOLO BARBERS: ISANG ALAMAT (IKALAWANG YUGTO)


Si Barbers ay tinuli sa pamamagitan ng pukpok sa edad na 17. Maso nga ang ginamit sa kanya, ayon mismo sa nagtuli sa kanyang si Tata Lito. Ayon pa dito, nalunok daw ni Barbers ang dahon ng bayabas na ilalagay sana sa kanyang kwan. Pero okay lang naman daw ang lasa dahil may baong asin si Barbers. Pagkahilom ng kanyang kwan at naging ganap nang binata si Barbers, nagsimula na ang hiwagang bumabalot sa kanyang katauhan. Naging sobrang habulin sya ng chicks. Lahat ng dalaga sa kanilang baryo ay kinikilig kapag dumaraan si Barbers. Ang kanyang kakisigan ay kumalat hanggang sa kabilang baryo at naging usap usapan din maging sa kabilang bayan. Ayon sa mga haka-haka, tanging si Tata Lito lang ang nakakaalam kung bakit habulin ng chicks si Lolo Barbers. Pero sa kasamaang palad, pumanaw na rin si Tata Lito matapos na hindi mag survive sa isang operasyon na ginawa sa kanyang ikawalumpung kaarawan. Ang tawag daw sa operation ay circumcision.

Sa dami ng babaeng nahumaling kay Barbers, ang kanyang napili bilang maging asawa ay isang dalagang nagngangalang Balbastra Gregorya Pantalan o Jenny, nickname nito. Hindi kasi katulad ng ibang babae, si Jenny ay napakayumi, balot na balot palagi ang katawan ng baro’t saya kahit mamimitas lamang ng upo. Kaya naman gigil na gigil sa kanya si Barbers, este, giliw na giliw pala. Nakasal sila kahit tutol ang mga magulang ni Jenny. Nagkaroon sila ng limang anak na mayroon nang sari-sariling buhay sa ngayon. Ayon na rin sa kahilingan ni Lolo Barbers, panatilihin na lamang daw pribado ang tungkol sa kanyang mga anak at apo. Samantala, ang pagsasama nina Lolo Barbers at Lola Jenny ay tumagal nang matagal na panahon hanggang sa pumanaw si Lola Jenny.

Ganito iyon, ayon mismo sa kuwento ni Lolo Barbers: noong ikaapatnapung anibersaryo nina Lolo Barbers at Lola Jenny, kumain sila sa isang restawran. Nabulunan si Lola Jenny sa kinain nitong bulalo. Pero hindi ito ang kanyang ikinamatay. Natanggal din ang bara sa lalamunan nito matapos dagukan ni Lolo Barbers. Pagkatapos nilang kumain, umuwi sila sakay ng kalesa ngunit sa kasamaang palad, nahulog si Lola Jenny. Hindi rin ito ang ikinamatay nya. Napilayan lang sya at nakauwi naman. At lumipas pa ang dalawampung taon, natuklasan na lang ni Lolo Barbers si Lola Jenny sa kanilang kama na hindi na ito humihinga. Hindi ito binangungot. Namatay ito dahil sa katandaan.

Sa ngayon, si Lolo Barbers ay isang binata. Pero hindi na siya available dahil may girlfriend na siya, si Natasha: isang Fil-Am na nakilala ni Lolo Barbers pagkatapos niyang ma-wrong number noong nagpadeliver sya sa isang sikat na fast food chain. Naging phone pals sina Natasha at Lolo Barbers ng tatlong buwan hanggang sa magkayayaan silang mag-date. Sa Baywalk dinala ni Lolo Barbers si Natasha para manood ng fireworks display. Sa kalagitnaan ng putukan at pailaw, tinanong ni Lolo Barbers si Natasha, “Hey Natasha, that is very beautiful right? Tayo na ba?”. Sumagot naman si Natasha nang “Oh yes!”. At magmula noon, naging syota na ni Lolo Barbers si Natasha. Going strong daw ang kanilang relasyon pero wala pa sa isip nila ang pagpapakasal.

Pagdating naman sa karera (career ha, hindi ng kabayo), si Lolo Barbers ay maaaring tawaging “jack of all trades”. Ibig sabihin, halos lahat na yata ng larangan ay pinasok nito. Valedictorian sya nang magtapos ng elementarya. Walong taon sya sa high school dahil ayon sa kanya, gusto nya daw matutunan ang lahat ng detalye ng kanyang mga aralin. Pero may mga haka-haka rin na nagka-cutting classes kasi sya kaya lagi syang pabalik balik ng year level. Pagtungtong naman ng kolehiyo, nag aral ng medisina si Lolo Barbers. Pagkatapos ng tatlong taon, nag shift sya sa Law. Nang malapit nang matapos ng Abogasya, napagtanto nyang hindi para sa kanya ang pagiging abogado. Kaya naman nag shift sya sa Astronomy dahil pangarap nyang maging astronaut. Matapos ang isang taon, natuklasan nya na mahal pala ang gamit ng mga astronaut kaya itinigil na nya ito. Nag-aral na lang sya ng Mechanical Engineering pero pagkatapos ng isang taon, lumipat na lang sya ng Architecture dahil mahilig din syang mag-drawing. Hindi na sya nag board exam dahil napanaginipan nya na ang kurso pala na para sa kanya ay Philosophy. Pilosopo kasi sya. At tinapos nya ito sa loob lamang ng isang taon. Sobrang bilib ng kanyang mga propesor kaya accelerated sya sa lahat ng subjects nya. Wala kasing manalo sa kanya ni isang propesor pagdating sa debate. Wala namang reklamo ang mga magulang ni Barbers dahil self-supporting ito noong nag-aaral. May sarili kasing business si Lolo Barbers noong binata pa lamang ito. Hanggang ngayon, patok na patok at mabentang-mabenta pa rin ang kanyang itlog. May kwek-kwek stand kasi siya at hindi ito nauubusan ng customers. May mga usap-usapan na biniyayaan si Lolo Barbers ng anting-anting ng isang ermitanyo na siyang dahilan kung bakit swerte ang kanyang negosyong itlugan.

Subalit dahil na-bored na si Lolo Barbers sa kanyang itlog, este, sa kanyang kwek-kwek-an, pinatauhan na lamang nya ang kanyang negosyo at sinubukang mag-audition bilang DJ sa 93.9iFM. Narinig kasi nya na naghahanap ito ng bagong disc jockey kaya sinubukan ang kanyang swerte. Pagdating sa istasyon, may nakita syang isang babaeng kagagaling lamang sa audition na umiiyak. Hindi pala ito nakapasa. Kinausap ito ni Lolo Barbers at maya-maya pa ay humahalakhak na ang babae. Nakita iyon ng station manager ng 93.9iFM at kinausap si Lolo Barbers. “Ikaw ang hinahanap namin Lolo! Kukunin po naming kayong  DJ”. “Bakit, dahil ba sa ako’y gwapo? Hindi ko yata matatanggap na dahil lamang sa pisikal kong katangian kung kaya ninyo ako tatanggapin!”, ang sagot ni Lolo Barbers. Sabi ng station manager, “Hindi po, Lolo, kaya ninyo po kasing magpatawa ng tao kahit umiiyak na. Dahil po dito, hired na po kayo”. Ang sagot ni Lolo Barbers: “Weh, ilong mo may asin!”.

P.S.

Ang pangalan nga pala ng babaeng umiiyak at pinatawa ni Lolo Barbers ay Geraldine. Sya ang babaeng pinaghihinalaan ni Natasha na ka-fling ni Lolo Barbers. Pero walang katiyakan kung totoo nga ito.

P.S.2

Ilagay mo na ang email mo sa itaas na bahagi ng blog na ito sa bandang kaliwa para mapadalhan ka ng mga espesyal na mensahe mula kay Lolo Barbers. Wag mong sabihing hindi mo makita kung saan mo ilalagay ang email mo, gamitin mo lamang ang iyong mata.

P.S.P.
Dating paboritong laruin ni Lolo Barbers pero di na ngayon. May ipad na sya. Ipad10. Hindi pa ito nailalabas sa US, wag mo akong tanungin kung saan nakabili si Lolo Barbers dahil hindi ko rin alam --(editor)

2 komento: